Magastos magkasakit. Hindi lang problema ang pagpapatingin sa doktor at pagpapagamot kung hindi maging ang pagpapa-ospital. Ang masaklap pa, kung regular ang sesyon ng pagpapagamot tulad ng pagpapa-dialysis, chemotherapy at iba pa.
Parang gripong bukas na bubuhos palabas ang lahat ng ipon mo. Kung walang ipon, utang naman ang magkakapatong-patong.
Kaya malaking bagay talaga ang Universal Health Care Law na nagbibigay ng benepisyong pangkalusugan sa mga mamamayang Pilipino, lalo na ang membership sa PhilHealth.
Sa pamamagitan ng kontribusyon ng direct contributor-members at tulong ng mga government institutions, ang pondo ng PhilHealth ay nagagamit para sa konsultasyon, laboratoryo, pagpapa-ospital at ang mga regular na sesyon ng pagpapagamot ng mga maysakit. Ang maganda pa nito, kahit hindi itinaas ang membership contribution ngayon taon, itinuloy pa rin ng PhilHealth ang pagpapalawak ng mga benepisyo para sa mga miyembro.
Kasabay ng pagdiriwang ng ika-dalawampu’t walong anibersaryo ng PhilHealth nitong Pebrero, inilunsad nila ang karagdagan sa mga benefit packages para sa mga miyembro.
Ang outpatient hemodialysis ay pinalawig pa mula sa 90 tungong 156 na sesyon! Karaniwan kasing tatlong 4-hour sessions bawat linggo ang kinukumpleto ng mga may bumagsak na ang kidneys o may chronic kidney disease stage 5. Ang laking menos sa gastos.
Kung sa bahay lang nagda-dialysis o sumasailalim sa peritoneal dialysis, binibigyan din sila ng PhilHealth ng P270, 000 na pinansyal na suporta. May mga kits at gamot kasing ginagamit para rito.
At kung mapagdesisyunan mong magpa-kidney tansplant sakaling may makuha kang organ donor, ang PhilHealth ay magbibigay ng P600, 000 para sa mga kwalipikadong renal patients sa ilalim ng Z Benefits for Kidney Transplantation. Mas maagang ma-operahan at mabigyan ng bagong bato, mas gumaganda ang tsansa ng isang bagsak ang bato para sa panibago at mahusay na buhay.
Pinaganda rin ang Z benefit packages para sa mga pasyenteng nangangailangan ng mas matagal na panahon sa ospital o masyadong mahal ang gamutan tulad ng mga nangangailangan ng orthopedic implants; breast, cervical at prostate cancer; open heart surgery para sa mga bata, partikular ang Ventricular Septal Defect at Tetralogy of Fallot.
At ito pa ang dagdag na benepisyo – ang outpatient benefit package para sa mental health. Sa pag-aaral kasi, tinatayang anim na milyong Pilipino ang namumuhay na may depression at anxiety na pinalala pa ng pandemya ng Covid-19.
Maging ang nutrisyon lalo na ng mga bata ay tutugunan. Ilalabas ng PhilHealth ang severe acute malnutrition o SAM para sa mga batang edad lima pababa. Ito ay bilang suporta sa Kalusugan at Nutrisyon ng Mag-Nanay Law.
Inaayos din ng PhilHealth batay sa pangangailangan ang kasalukuyang Covid-19 benefit packages, lalo na ang sa mga naoospita;, ang RT-PCR at Rapid Antigen Test at isolation packages.
Pinalalakas din ng PhilHealth ang Konsulta Package para maaga pa lamang ay nakakakapagpatingin na, nakakapagpa-laboratory test at nabibigyan ng gamot ang lahat ng Pilipino na magtutungo sa Konsulta facilities sa buong bansa.
Malaki ang tulong ng pinagsama-samang kontribusyon ng mga miyembro, tulong mula sa Philippine Amusement and Gaming Corporation o Pagcor, at Philippine Charity Sweepstakes Office o PCSO para sa pinalawak na benepisyo ng PhilHealth.
Kaya naman kayang-kayang sagutin ang lahat ng pangangailangan sa kalusugan ng mga miyembro ng PhilHealth. Ang pinakamataas na kita ng PhilHealth, sa pinakahuling tala noong Setyembre 2022, ay umabot sa P46 billion. Ang kabuuang assets ng PhilHealth ay P394 billion, na 13% mas mataas kaysa sa naitala noong Disyembre 31.
Hndi dapat panghinayangan ang inihuhulog natin sa PhilHealth kahit hindi naman tayo nagkakasakit o naoospital. Puwede namang magbenepisyo sa pamamagitan ng pagpapatingin sa PhilHealth Konsulta para lamang matiyak na malusog ka o maagapan kung sakaling mayroon palang dapat gamutin sa iyo. At ang mahalaga, nakakatulong ka sa ibang miyembro na mabawasan ang kanilang stress sap ag-aalala sa gagastusin sa ospital o sa kanilang regular na gamutan – dahil ang pinagsama-samang kontribusyon ng mga miyembro at gobyerno ang sasalo sa kanila.
-30-