Sagot ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ang cervical cancer screening sa pamamagitan ng Konsultasyong Sulit at Tama (Konsulta). Mayroon ding Z Benefits Package para sa cervical cancer kung saan umabot na sa P31 milyong piso ang nabayarang benefit claims simula 2015.
Sinabi ni PhilHealth Chief Emmanuel R. Ledesma, Jr., na ang PhilHealth ay nakaalalay sa mga kababaihang dumaranas ng nasabing sakit. Idinagdag din niya na ginagawa ng state health insurer ang makakaya nito upang makapaghatid ng pinansyal na proteksyon kailan man at saan man sa mga Filipinong nangangailangan ng de-kalidad na serbisyong medikal.
Batay sa datos, tinatayang umaabot sa mahigit na pitong libong kababaihan ang nada-diagnose na mayroong cervical cancer kung saan apat na libo ang namamatay dahil sa sakit na ito dito sa bansa.
Ayon sa Department of Health, ang cervical cancer ay pangalawa sa pinakakaraniwang kanser sa mga kababaihang may edad na 15 hanggang 44. Ang mga karaniwang sintomas ng sakit na ito ay abnormal na pagdurugo o hindi kanais-nais na amoy sa discharge sa ari, pagdurugo matapos ang pakikipagtalik, patuloy na pananakit ng likod, binti o balakang, at hindi maipaliwanag na pagbaba ng timbang.
Inirerekomenda naman ng World Health Organization ang cervical cancer screening para sa mga kababaihang nasa 30 taong gulang o sa mga babaeng sexually active. Gayunman, rekomendado din ng WHO ang Human Papillomavirus (HPV) tests para sa cervical cancer screening kaysa sa cytology (i.e., pap smear).
Idinagdag din ng WHO na ang unang depensa laban sa HPV ay ang pagbabakuna at ang pangunahing target ay ang mga batang babae edad siyam (9) hanggang labing-apat (14). Sinabi rin na ang mga batang lalaki at iba pang kababaihan ay secondary target sa bakunang ito.
Samantala, sa ulat kamakailan ni Professor Dindo Maralit ng Stratbase ADR Institute kasama ang ilan pang Cancer Societies at Cancer-free Movement, tinalakay ng kanilang grupo ang ilang evidence-based at cost-effective interventions na siyang makatutulong na maibaba ang kaso ng cervical cancer sa Pilipinas at opisyal ding mailunsad ang Zero Cervical Cancer Movement.
Kinikilala ng PhilHealth ang pagsisikap ng mga grupong ito na mapababa pa ang insidente ng cervical cancer kung hindi man tuluyang maalis ang ganitong klase ng nakamamatay na sakit, sa pamamagitan ng boosting immunization, vaccination at treatment control programs at ganap na masuportahan ang kanilang mga proyekto sa pakikipagtulungan sa iba pang sektor.
Bilang tugon sa kanilang panawagan na higit pang palawakin ang saklaw ng Z benefits package para sa cervical cancer at maisama ang HPV Screening sa bagong ipakikilala na Konsulta Plus Package, sinabi ni Ledesma na “Kami ay nagsisikap na lalo pang palawakin ang benepisyo upang makatugon sa pangangailangang medikal ng aming mga miyembro pati na ang kanilang mga dependents. Kasama ang cancer screening sa Konsulta primary care package samantalang ang paggagamot sa naturang sakit ay sakop ng Z Benefits. Ngayong taon, kasama sa mas pinalawak na benepisyo ang cervical cancer bukod pa sa ilang mga piling Z Benefits packages.”
Sa kasalukuyan, may dalawang Z Benefits packages ang PhilHealth na sumasaklaw sa kumpletong kurso ng gamutan para sa cervical cancer para sa stages IA1, IA2-IIA1 kung saan ang benepisyong nakapaloob dito ay P120,000 para sa Chemoradiation with Cobalt at Brachytherapy (mababang dosage) at P175,000 para sa Chemoradiation with Linear Accelerator at Brachytherapy (mataas na dosage).
Binigyang diin ni Ledesma ang kahalagahan ng pagkakaroon ng mas maraming healthcare providers para sa Z Benefits Package para sa cervical cancer upang maseguro na mas marami pang pasyente ang makagagamit ng naturang benepisyo. “Sa kasalukuyan, mayroon nang pitong (7) contracted na mga ospital kung saan ang mga kwalipikadong pasyente ay maaaring maka-avail ng Z Benefits package para sa cervical cancer. Ang PhilHealth ay nakatuon sa pakikipag-ugnayan sa mas marami pang healthcare providers upang maging ka-partner namin sa pagbibigay ng abot-kayang serbisyong medikal para sa mga miyembro at dependents na dinapuan ng nasabing sakit,” paliwanag pa niya.