[MANILA, April 26, 2023] – Public health warning imbes na Alert Level. Ito ang opinion ni Go Negosyo founder Joey Concepcion. “Bakit ipinapatupad pa rin natin itong alert level system kung wala na tayo sa ilalim ng State of Public Health Emergency?” sinabi niya. “Wala tayong alert level system kapag maraming kaso ng dengue. Binabalaan lamang ang publiko upang mas maging maingat sila,” sabi niya.
Maaalala na noong kasagsagan ng pandemya ng Covid-19, ay pinangunahan ni Concepcion ang pribadong sektor upang makakuha ng mga bakuna laban sa Covid at isinulong ang unti-unting muling pagbubukas ng ekonomiya.
Naniniwala si Concepcion na hindi na kailangan ang alert level system ngayong natuto na ang mga Pilipino sa Covid. “Sa puntong ito, hindi natin kakayanin ang anumang lockdown o pagkawala ng kumpiyansa ng mga consumer. Kailangan natin ng masiglang kalakalan kung gusto nating makitang tumaas ang ating GDP. Dapat nating tandaan na ang ekonomiya ay mahalaga ngayon,” aniya.
Idinagdag ni Concepcion na ang variant na kasalukuyang kumakalat ay hindi dapat pangambahan. “Ito pa rin ang variant ng Covid na banayad, kahit na ang mga doktor ay sinasabi ito,” sabi niya. Idinagdag ni Concepcion na karamihan sa mga eksperto ay sinsabing hindi pa napupuno ang mga pagamutan. Matatandaan na ang over-capacity sa mga ospital ay isang kondisyon sa mobility restrictions upang masugpo ang pagkalat ng virus.
“Alam na ng mga Pilipino ang gagawin. Alam nila ang mga panganib at kaya na nilang i-manage ang mga ito. Alam ng mga Pilipino, lalo na ang mga matatanda at may co-morbidities, na umiwas kapag malalagay sila sa delikado,” aniya.
Ito ay kahit na ang Inter-Agency Task for the Management of Emerging Infectious Diseases ay naglagay sa 56 sa 82 probinsya sa Pilipinas sa Alert Level 1 hanggang Abril 30.
Ang Alert Level 1 ay ang pinakamababa sa alert level system na pinagtibay noong kasagsagan ng Covid-19 pandemic. Sa ilalim ng mga alituntunin para sa Alert Level 1 na inilabas noong Pebrero 2022, ang pampublikong transportasyon at mga establisimiyento ng negosyo ay pinapayagang mag-operate sa 100 percent capacity, at kailangang magsuot ng facemask lalo na sa indoor setting. Wala nang contact tracing, bagama’t kailangan ang patunay ng pagbabakuna.
Gayunpaman, ang ilang mga lalawigan ay nanatili sa ilalim ng Alert Level 2 mula noon pang nakaraang taon, dahil sa kanilang mababang vaccination rate at sa kabila ng mababang mga kaso ng Covid at hospital utilization rate.
“Sa tingin ko nakamit namin ang immunity na parehong dulot ng bakuna at mula sa pagkakalantad sa Covid. Nakikita ko pa rin ang mga tao na naka-mask kapag nasa loob, at hindi pumapasaok sa trabaho kapag sila ay positibo,” sabi niya.
Gayunpaman, inulit ni Concepcion ang kanyang panawagan para sa mga bivalent vaccines para sa publiko. “Bahagi ng pagbibigay kapangyarihan sa ating mga mamamayan ay ang pagbibigay sa kanila ng mga bakunang kailangan nila. At ito ay nagsisimula sa pagkakaroon Certificate of Product Registration para sa mga bivalent vaccines.”